-- Advertisements --

Nangako ngayon si Department of Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco na sa ilalim ng administrasyon ni Presidente Ferdinand Marcos Jr, magpapatuloy ang mga benepisyo ng turismo at mga proyekto para mapabuti ang estado ng turismo sa Pilipinas.

Ginawa ni Secretary Frasco ang pahayag kasabay ng kanyang pagbisita sa bayan ng Moalboal Cebu ngayong araw, Disyembre 20, para pangunahan ang pagbubukas sa ikaapat na tourist rest area sa lalawigan.

Ibinahagi pa nito na kahit mapunta man siya sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay ipinagmamalaki pa rin niya ang pagiging Cebuana.

Lubos din itong nagpapasalamat sa lalawigan dahil nagbigay pa umano ito ng karangalan sa turismo ng bansa bilang isa sa mga nangungunang destinasyon para sa mga lokal at dayuhang turista.

Masaya rin nitong inanunsyo na ang Turismo ng Pilipinas ay nakakuha ng maraming parangal para sa taong ito katulad ng: World’s Leading Beach Destination, World’s Leading Dive Destination, Asia’s Leading Dive Destination, Asia’s Best Cruise Destination, at World’s Leading City Destination para sa City of Manila.

At higit sa lahat, sa unang pagkakataon, ang bansa ay pinarangalan bilang Global Tourism Resilience Awardee na para sa kalihim ay ito ang pinakamahalagang pagkilala na ibinigay sa bansa.

Sa mga darating pa’ng susunod na taon, aniya, ay natatanaw nila ang isang turismo ng Pilipinas na nag-aangat sa katayuan ng bansa at maisasakatuparan lamang umano ito kapag patuloy na nagsama-sama at nagtutulungan ang mga lokal na pamahalaan katuwang ang industriya ng turismo.