Tourism Secretary Christina Frasco, pinangunahan ang pormal na pagbubukas ng kauna-unahang UN Tourism Regional Forum on Gastronomy Tourism for Asia and the Pacific sa lungsod ng Lapu-lapu
Mainit na tinanggap nitong Miyerkules ng umaga ang mahigit 500 delegado mula sa mahigit 40 member countries and territories kasabay ng pagbubukas sa kauna-unahang UN Tourism Regional Forum on Gastronomy Tourism for Asia and the Pacific sa isang hotel sa lungsod ng Lapu-lapu.
Bilang pormal na pagbubukas ng inaugural event, pinangunahan ni Tourism Secretary Christina Garcia- Frasco, kasama ang lokal na mga opisyal, at mga foreign dignitaries, ang seremonyal na paglalagay ng bigas sa isang higanteng pusô, na siyang nagsisilbing pangunahing ipinagmamalaking lutuin ng mga Cebuano at isa lamang sa kakaibang gastronomic offerings na matatagpuan sa Pilipinas.
Kasama sa aktibidad sa unang araw ng kaganapan ay ang Ministerial Dialogues at panel discussion samantalang sa ikalawang araw naman ay magkakaroon ng tour ang mga delegado sa piling kilalang destinasyon ng Cebu upang tuklasin ang masaganang pagkain at kultura.
Layon pa ng aktibidad na magkaroon ng pagpapalitan ng mga ideya, pagtukoy ng mga good practices at upang gamitin ang gastronomy tourism bilang pangunahing susi sa sustainable development.
Sa talumpati ni Lapu-lapu City Mayor Junard Ahong Chan, itinampok nito ang culinary heritage ng Cebu, partikular ang mga pagkain gaya ng Puso o hanging rice, Kinilaw, at Cebu Lechon, na mahalaga sa kultura at kasaysayan ng mga Pilipino.
Binigyang-diin pa ni Chan ang kahalagahan ng gastronomy sa pagpapasigla ng turismo, pagtataguyod ng mga lokal na ekonomiya, at pagpapanatili ng mga kultural na tradisyon.