-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Bahagyang tumaas ang tourist arrival sa isla ng Boracay matapos buksan sa mga turista mula sa iba pang bahagi ng bansa noong Oktubre 1.

Sinabi ni Malay Mayor Frolibar Bautista na simula Oktubre 1 hanggang 17 ng kasalukuyang taon ay umabot na sa 931 ang bilang ng mga turista.

Malaki umano ang naitulong ng pagluwag ng National Inter-Agency Task Force sa COVID-19 testing requirements na mula sa dating 48 oras ay ginawa nang 72 oras.

Kumpiyansa rin ang alkalde na lalo pang madagdagan ang tourist arrival sa oras na payagan ng IATF ang hiling ng lokal na pamahalaan ng Aklan na i-exempt ang mga taga-Western Visayas sa hinihinging negatibong resulta ng swab test dahil wala namang ipinapatupad na travel restrictions.

Sa kabilang daku, dagdag pa ni Mayor Bautista na naghihintay pa sila ng “go signal” kung kailan papayagan ang pagsasagawa ng mga beach volleyball at iba pa sa isla.