KALIBO, Aklan – Dismayado ang Municipal Tourism Office ng lokal na pamahalaan ng Malay sa biglang pagbagsak ng tourist arrival sa isla ng Boracay kasunod ng paghihigpit sa NCR plus bubble.
Ayon kay Felix delos Santos Jr., Malay Municipal Tourism Officer na simula kahapon, Marso 22, halos 228 na lamang ang naitalang bisita.
Marami aniya ang nakanselang bookings ng mga turista kahapon ng hapon na pupuntang Boracay matapos na pigilan ng Civil Aeronautics Board ang lahat ng mga leisure flights batay sa kautusan ng Department of Transportation.
Aniya noong Marso 19 sumipa na sana sa 1,056 ang bilang ng mga turistang nagbakasyon sa Boracay sa unang araw na pinayagan na ang paggamit ng saliva RT-PCR test.
Mistulang imposible na umanong maabot ang target na 20,000 tourist arrival ngayong buwan ng Marso dahil sa NCR plus bubble.
Ang mga turistang mula sa National Capital Region (NCR) at katabing probinsiya ang nangungunang bisita simula ng buksan ang Boracay sa mga domestic tourist noong Oktubre ng nakaraang taon.