-- Advertisements --
Boracay Island (photo from DiscoverMNL)

KALIBO, Aklan—Nasa 9 na porsyento ang itinaas ng tourist arrival sa isla ng Boracay para sa Holy Week mula Abril 14 hanggang 19 ng kasalukuyang taon.

Batay sa datos ng Tourism Office ng Local Government Unit (LGU)-Malay, umabot sa 50, 896 ang mga turistang bumisita sa Boracay kung ikumpara noong nakaraang taon na umabot lamang sa 46,610.

Ang naturang isla ay dinayo ng mahigit sa 10,737 na turista noong Huwebes Santo, Abril 18 kung saan, tumaas umano ito ng 11 percent mula sa bilang na 9,680 sa kaparehong period.

Samantala, noong Biyernes Santo, Abril 19 ay binisita ng nasa 7,692 na turista ang sikat na isla.

Sa naturang bilang umano ay 44 porsyento nito ay mga dayuhan na karamihan ay nagmula pa sa bansang South Korea at China.

Ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) ay umabot lamang ng nasa 1,412 habang ang mga domestic travelers ay mahigit sa 26,811 o tumaas ng 7.7 percent mula sa bilang na 24,879 noong nakaraang taon.

Ayon sa pamunuan ng Tourism Office ng LGU-Malay, ang pagtaas umano ng tourist arrival sa Holy Week ay dala ng mga promotions mula nang isinailalim sa rehabilitation effort sa pamumuno ng Boracay Inter Agency Management Group (BIAMG) ang isla kung saan, nagpapatuloy pa ito hanggang sa ngayon.

Nabatid na target ng tanggapan ang mahigit sa 51,000 tourist arrival sa Semana Santa na ayon sa kanila ay nalampasan na ang naturang bilang.