KALIBO, Aklan — Positibo ang Malay Municipal Tourism Office na maabot pa rin nila ang target na 2.1-milyon tourist arrivals sa pagtapos ng 2024.
Ito ay makaraang bumaba ng nasa 4% ang tourist arrivals sa unang sampung buwan ng 2024 kumpara sa kaparehong period noong nakaraang taon.
Batay sa datos, umabot sa 1,719,849 ang turistang nagbakasyon sa Boracay simula Enero hanggang Oktubre ng kasalukuyang taon na mababa kumpara sa naitalang 1,791,594 noong 2023.
Aminado si Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay Tourism Office na pagkatapos ng pandemya ay bumaba ang bilang ng mga dayuhang pumapasok sa isla subalit malaki naman ang itinaas ng domestic travelers.
Simula Enero hanggang Disyembre 10, nasa sa 1.5 milyon ang local tourists na pumunta sa Boracay habang ang foreign tourists ay nasa 382,467 at ang OFW ay 21,299 o may kabuuang 1,934,965.
Ito ay nangangahulugan aniya na nangangailangan pa ng 165,535 o 7,000 hanggang 8,000 na turista bawat araw upang maabot ang projected tourist arrivals ngayong 2024.
Hinahanapan na umano ng solusyunan ng provincial government, lokal na pamahalaan ng Malay at Department of Tourism ang pagbaba ng bilang ng mga foreign tourists.
Maliban sa kaliwat-kanang promotion ay pinapalakas rin ngayon ang cruise tourism na majority sa mga sakay nito ay mga foreigner.