KALIBO, Aklan – Inaasahan ng Malay Tourism Office na habang papalapit ang Pasko ay magiging tuloy-tuloy na ang pagtaas ng bilang ng mga turistang dumadayo sa Isla ng Boracay.
Batay sa datos ng MTO-Malay, simula Nobyembre 1 hanggang 17, umabot na sa 1,611 ang pumasok na bisita o may average na 95 bawat araw.
Sa naturang bilang, 1,154 o 72 porsiyento ang nagmula sa Metro Manila.
Ang unti-unting pagtaas ng bilang ng mga turista ay nagbigay ng pag-asa sa mga residente at mga negosyante na labis na naapektuhan dahil sa ipinatupad na travel restrictions dala ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Malay Tourism Officer Felix delos Santos, sinisiguro ng lokal na pamahalaan na mahigpit na maipatupad ang health safety protocol standards sa lahat ng mga establisimento sa isla.
Nauna dito, ipinanukala ng ilang mga negosyante sa kinauukulan na buksan na ang isla sa ilang mga dayuhang turista sa buwan ng Disyembre.