-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Humataw sa 30,791 ang visitor arrivals sa isla ng Boracay mula Hulyo 1 hanggang 26 ngayong taon, batay sa datos na inilabas ng Malay Tourism Office ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Ayon kay Malay Chief Tourism Operations Officer Felix delos Santos, umaasa sila na hindi maapektuhan ng banta ng Delta variant ng COVID-19 ang pagbuhos ng maraming mga turista.

Sa tala ay nangunguna pa rin ang National Capital Region (NCR) sa listahan na may 19,305 na sinundan ng Calabarzon sa 6,374 at Central Luzon na may 2,213 arrivals.

Unti-unti na rin umanong dumarami ang mga turista mula sa Cebu.

Karamihan sa mga turista ay bumiyahe sa Boracay sakay ng eroplano na may kabuuang 17,868 habang ang nasa land transportation ay 573 at ang sumakay sa barko ay umabot sa 37.

Samantala, maliban sa Unkabogable star Vice Ganda kasama ang partner na si Ion Perez, spotted rin na magkasama sa Boracay sina Eric Santos, Jayson Dy, at Alex Diaz.