KALIBO, Aklan – Sa pagsisimula ng paggunita ng Semana Santa, lalo pang sumadsad ang tourist arrivals sa isla ng Boracay.
Ayon kay Malay Tourism Officer Mr. Felix Delos Santos, umabot lamang sa 53 ang mga bumisita sa isla noong Lunes Santo, Marso 29.
Malaki aniya ang naging epekto ng ipinatupad na “NCR Plus Bubble” kung saan nakansela ang bakasyon grande sana ng ilang mga taga-Metro Manila at mga karatig probinsiya ngayong Holy Week.
Nakadagdag pa ang ipinatupad na lockdown sa dalawang Purok sa Barangay Balabag kasunod ng pagsipa ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
Muling humina aniya ang kita ng mga hotel at resort owners kabaliktaran sa kanilang inaasahan na makakabawi ngayong Marso sa pagbuhos ng mga turista dahil sa Semana Santa.
Simula Marso 23 hanggang 28, bumagsak ang tourist arrivals sa daily average na 90 kumpara sa 756 na turista simula Marso 1 hanggang 22.
Naitala ang pinakamataas na tourist arrivals noong Marso 19 na umabot sa 1,056.
Samantala, hinikayat ng Municipal Tourism Office ang mga turista mula sa Western Visayas at mga lalawigang hindi sakop ng NCR Plus Bubble na magbakasyon sa Boracay ngayong Holy Week dala ang kanilang negatibong swab results at confirmed hotel bookings na nasa labas ng lockdown zones.
Nasa 31 accommodation establishments ang apektado ng lockdown sa Purok 5 at 6 ng Barangay Balabag.