-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Pumalo na sa 1.5 milyon ang bilang ng mga turista na bumuhos sa isla ng Boracay mula buwan ng Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon.

Batay sa datos, naitala ang 138,819 na domestic tourists; 1,780 ang mga overseas Filipinos at 37,990 ang mga dayuhang turista o kabuuang 178,589 sa buwan ng Agosto na mas mataas ng 11% kung ihambing sa kaparehong period noong nakaraang taon.

Ayon kay Malay municipal tourism officer Felix Delos Santos, ang nasabing bilang ng tourist arrivals ay katulad nang sa pre-pandemic level na malaking tulong sa pagbangon ng industriya ng turismo at lokal na ekonomiya.

Kumpiyansa si Delos Santos na sa buwan ng Nobyembre ay maabot nito ang target tourist arrivals na 1.8 milyon at inaasahan na sa pagtapos ng 2023 ay papalo pa ito sa mahigit 2 milyon.

Sa kasalukuyan, South Koreans parin ang nangunguna sa tourist arrivals sa Boracay.

Sumunod ang China at Taiwan dahil sa mga direct flights gayundin ang Estados Unidos, Japan, Australia, United Kingdom, Germany, Russia, at France sa may pinakamaraming arrival sa isla.