-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Pumalo na sa bilang na 1,581,705 ang tourist arrival sa isla ng Boracay hanggang Setyembre 15 ng kasalukuyang taon kung saan, ang buwan ng Hulyo ang may pinakamataas na naitalang bumisitang turista na umabot sa 207,696 at ang pinakamababa ay noong Pebrero na nakatala lamang ng 160,000 na turista.

Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na nangunguna pa rin ang mga koreano sa mga foreign tourist na bumisita sa isla, sumunod ang mga Chinese at pumangatlo ang Taiwanese.

Kabilang pa sa top 10 ang USA, Japan, Australia, United Kingdom, Germany, Russia at France.

Sa kabilang dako, nakahanay naman ang iba’t ibang mga aktibidad sa selebrasyon ng tourism week sa Boracay simula Setyembre 21 hanggang 23.

Dagdag pa ni Licerio na kabilang sa aktibidad ang savor Malay kung saan, bida dito ang ipinagmamalaking mga putahe mula sa iba’t ibang barangay gayundin ang project pristine, tinda turismo, tourism quiz bee and tour guiding, tourism night at dance competition.

Ang tourism week ay bahagi ng pakikiisa ng LGU-Malay sa selebrasyon ng Tourism Month sa bansa ngayong Setyembre.

Layunin ng LGU Malay na mas pang makilala ang bayan ng Malay partikular ang isla ng Boracay bilang tourist destination sa buong mundo at mas pang mapalakas ang industriya ng turismo.