LAOAG CITY – Inihahanda na ng PNP sa Solsona, Ilocos Norte ang kinakailangang mga dokumento para sa isasampa nilang reklamo laban sa isang konsehal sa nasabing bayan.
Ayon kay PCpt. Chris Anthony Sorsano, chief of police ng Solsona PNP, sapat na raw ang kanilang ebidensya laban kay Konsehal Nomer Agulay pero bahala na umano ang piskalya na magdesisyon kung papanigan nila ang isasampa nilang reklamo laban sa nasabing opisyal.
Ani Sorsano, nakausap na umano niya si Agulay at sinabi sa kanya na utos mismo sa kanilang higher office ang pagsasampa nila ng reklamo at bahala na ang konsehal na sumagot.
Inamin ni Sorsano na noong nabasa nito ang komento ni Agulay laban sa kanilang mga kasapi ng PNP ay nasaktan, nagulat at nainsulto, hindi lamang siya kundi ang buong PNP sa bansa.
Tiniyak pa ni Sorsano na wala siyang galit kay Agulay pero ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho.
Una rito, maraming nangkondena kay Agulay matapos sa naging komento niya sa kanyang facebook post na ang mga kasapi sana ng PNP ang unang mahawaan ng coronavirus.
Humingi na rin ng tawad si Agulay sa ginawa niya sa pamamagitan ng pagpost nito sa kanyang facebook account.