BUTUAN CITY – Patay ang barangay kagawad at ang dating treasurer ng Brgy. San Pedro, bayan ng San Luis, Agusan del Sur habang tatlong iba pa ang sugatan at patuloy na ginagamot matapos ang pamamaril ng hindi pa kilalang responsable kaninang umaga.
Nakilala ang mga namatay na sina Kagawad Susan Mandumutan, at dating treasurer na si Maricel Quezon.
Samantalang ang mga sugatan naman ay nakilalang sina Franklin Mandumutan, asawa ng namatay na kagawad na incumbent Sangguniang Bayan member naman ng San Luis, kanilang 8-anyos na anak na lalaki, at isang Nore Coguit, 19-anyos, na anak naman ng dating konsehal ng naturang barangay.
Ayon kay P/SSgt. Reynalyn Batol, information officer ng San Luis Municipal Police Station, papunta sana sa political rally sa Barangay San Alejandro ang mga biktimang sakay ng Isuzu Ertiga na minamaneho ni Franklin.
Posible umanong inabangan talaga ang mga biktima kung kaya’t pagsapit nila sa masukal na bahagi ng quarry site ng Purok 1, Barangay San Pedro, ay dito na sila pina-ulanan ng mga bala ng M16 armalite rifle.
Dali pang nakatawag sa police station si SB member Mandumutan at iniulat ang nangyari sa kanila habang nira-running flat nito ang sasakyan.
Dagdag pa ni Batol, inalam pa nila kung pagkakakilanlan ng mga responsable pati ang motibo nito dahil hindi umano makokonsiderang mai-uugnay ito sa pulitika sa kadahilanang hindi magpapa-reelect ang naturang SB member.