-- Advertisements --

Ikinabahala ni Tingog Rep. Jude Acidre ang ipinakitang “toxic behavior” ni Vice President Sara Duterte na mistulang indikasyon umano ng kawalan nito ng tamang pag-iisip.

Sinabi ni Acidre na sa halip na sagutin ni Duterte ang mga tanong kaugnay ng paggamit ng kanyang P612.5 milyong confidential fund ay nag-drama ito.

“Bilang Bise Presidente, hindi dapat siya umaakto na parang wala sa tamang kaisipan. Her toxic behavior is concerning and may reflect an alarming state of mind. This does not suit her, especially given the dignity of her office,” ani Acidre.

Ayon kay Acidre, hindi na binigyan ni VP Sara ng dignidad ang kanyang tanggapan.

Ginawa ni Acidre ang pahayag matapos ang mistulang pagkakampo nito sa Batasan Complex matapos ikulong doon ang kanyang chief of staff na si Zuleika Lopez.

“Her actions and words raise serious questions about her priorities as a leader. Instead of addressing the issues at hand, she is diverting attention with theatrics,” dagdag pa ng kongresista.

Iginiit ni Acidre na ang kailangang gawin ni Duterte ay sagutin ang umano’y maling paggamit nito ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education, noong kanya pa itong pinamumunuan.

Pinuna rin ng mambabatas ang mga pahayag ni Duterte laban sa mga lider ng bansa, kabilang si Speaker Martin Romualdez.

“Such language and behavior are unacceptable from anyone, much more from the vice president. She should remember that her words carry weight and have consequences,” dagdag pa ng mambabatas.

Nagbabala si Acidre na ang mga ganitong pag-uugali ay maaaring lalong magpaguho sa tiwala ng publiko sa kanyang pamumuno.

Muli ring iginiit ni Acidre ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.

“Confidential funds are taxpayers’ money. Ang bawat sentimo nito ay dapat mapunta sa tamang paggamit. She owes it to the Filipino people to explain herself,” giit ni Acidre.