Nagpahayag ng suporta ang toxic watchdog na Ban Toxic sa panukala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na total ban sa mga paputok.
Ayon kay BAN Toxics Campaigner Thony Dizon, ito ay maghahatid ng mas ligtas na holiday season sa buong bansa.
Kailangan aniyang maintindihan ng publiko na ang mga paputok ay naghahatid ng mga health at environmental pollutants na nagdudulot ng banta sa kalusugan ng lahat, lalo na sa mga bata.
Ayon pa kay Dizon, nagawa na ng maraming mga LGU na maipatupad ang total ban, kasama ang partial ban. Sa katunayan aniya, mula noong 2009 hanggang 2022 ay mayroong 40 na LGU ang nagpapatupad nito.
Kinabibilangan ito ng mga sumusunod:
Davao City, Bicol, Aurora at Zambales. Kasama rin dito ang ilang LGUs sa Metro Manila gaya ng Makati City, Malabon City, Mandaluyong City, Manila City, Marikina City, Muntinlupa City, Navotas City, Paranaque City, Pasay City, Pasig City, Pateros, Quezon City, San Juan City, Taguig City, at Valenzuela City.
Dahil dito, umaapela ang grupo sa publiko na suportahan ang total ban ng mga paputok upang maprotektahan ang bawat isa mula sa banta nito sa kalusugan, kasama na ang makapag-iwas sa panganib na dulot nito.
Una rito ay inirekomenda ni Interior Sec. Abalos ang total ban sa Pilipinas, kasunod na rin ng aniya’y banta at panganib na dulot ng mga ito.