Nagtaas ng alarma ang toxicity watchdog na BAN Toxics kaugnay sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok habang papalapit ang Pasko.
Sa isang market monitoring kamakailan sa Divisoria, Manila, sinabi ng grupo na nakabili ang mga miyembro nito ng apat na brand ng ipinagbabawal na paputok.
Kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok na binili ng BAN Toxics ay ang Five Star, Whistle Bomb, Giant Bawang at Happy Ball.
Hinimok ng BAN Toxics campaigner na si Thony Dizon si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin na mag-utos ng on-site inspection at pagkumpiska ng mga ipinagbabawal na paputok sa mga pampublikong pamilihan.
Noong 2017, nagpalabas ang dating Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order (EO) 28 na nagre-regulate sa paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic device.
Sa ilalim ng EO, awtorisado ang PNP chief na tukuyin kung ano ang mga ipinagbabawal na paputok at iba pang pyrotechnic device.
Pinahihintulutan din ng EO 28 ang PNP na magpahayag ng mga panuntunang kinakailangan para i-regulate at kontrolin ang paggamit ng paputok.