BUTUAN CITY – Suspendido ang trabaho at klase sa lahat ng antas ng mga pribado at pampublikong paaralan sa apat na mga bayan ng Agusan del Sur dahil sa matinding mga pagbaha na hatid ng ilang araw na mga pag-ulan.
Kasama na dito ang mga bayan ng San Francisco, Loreto, Bunawan at Rosario kungsaan umabot na sa mahigit 2,100 mga pamilya o 7,854 na mga indibidwal mula sa sampung mga barangay ang apektado ng mga pagbaha.
Ayon kay Alexis Cabardo, ang tagapagsalita ng Agusan del Sur Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, na sa nasabing bilang, umaabot sa 736 na mga pamilya o 2,412 na mga indibidwal ang inilikas sa iba’t ibang evacuation centers habang ang iba ay nakatira muna sa kani-kanilang mga ka-anak habang mayroon ding iba na nananatili lang sa kanilang bahay.
Ikinalungkot ni Cabardo dahil ang mga residenteng hindi pa nakakabangon mula sa kagaya ring baha nitong nakalipas na mga linggo dahil sa shearline, ay muling nakakaranas ng kagaya ring kalamidad.