-- Advertisements --
belgium

BAGUIO CITY – Mas bumigat pa ang trabaho ng mga medical frontliners, kasama na ang mga Pinoy nurses sa mga ospital kung saan ginagamot ang mga pasyente na may COVID-19 sa bansang Belgium.

Sa ulat ni Bombo international correspondent Dolrish Aguillon, geriatric nurse sa Antwerp, Belgium, sinabi niyang mismong ang geriatric ward kung saan siya naka-assign sa pinagtatrabahuang ospital ay ginawang full-COVID rehab ward.

Aniya, hindi na sila nakakalabas sa nasabing ward tuwing duty nila at dinadalhan na lamang sila ng mga pagkain.

Kailangan din aniyang mag-shower sila bago sila lumabas pagkatapos ng kanilang duty at iniiwan nila sa ward ang kanilang uniporme.

Pinagkakasya din aniya nila ang kakaunting suplay ng kanilang mga protective equipment.

Ibinahagi ni Aguillon na bilang isang nurse ng mga COVID patients ay sinisiguro niya na malakas ang kanyang immune system sa pamamagitan ng tamang pagkain, pagbitamina at paggamit ng protective equipment sa trabaho.

Sa ngayon, higit na sa 38,000 ang kaso ng COVID-19 sa Belgium habang aabot sa 5,700 ang nasawi.

Samantala, magtatapos aniya sa May 3 ang lockdown ng Belgium na dulot ng COVID-19 pandemic.

Inilarawan niya na maganda ang pagsunod ng mga tao sa Belgium sa mga alituntunin ng lockdown gaya ng social distancing, pagsara ng mga non-essential establishments at iba pa.

Minumulta din aniya ng 250 Euro o katumbas ng aabot sa P13,800 ang mga lalabag sa stay-at-home policy doon.