-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Naapektuhan ngayon ang trabaho ng mga Overseas Filipino Workers sa India pagkatapos mag-lockdown ang karamihan ng estado doon dahil sa patuloy na epekto ng COVID-19 crisis.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Armando Eduarte, isang OFW sa Mumbai, India; inamin niya ang problema nila ngayon sa kanilang trabaho na kung saan 50% deferred o bawas sa suweldo nila dahil sa work from home na set-up nila sa ngayon.

Ayon sa kaniya, marami sa nga kompanya doon ang nagbawas ng kanilang pasweldo dahil bumababa narin ang kita nila na epekto ng mataas na kaso ng COVID-19 virus.

Dagdag pa niya, kahit bumaba ang kaso doon na kung saan nakapagtatala sila ng higit 300-000 na kaso bawat araw mula sa 400,000 na kaso, naalarma parin sila lalo na at umaabot sa 3,000 hanggang 4,000 ang naitatala na namamatay doon sa bawat araw.

Nagpapatuloy naman ang mass cremation sa India habang punuan parin ang mga ospital na tumatanggap sa mga pasyente.

Maliban doon, marami naman sa mga pasyente ng COVID-19 ang nahahawaan ng BLACK FUNGUS na nakukuha nila sa tagal ng pagpapanatili sa isolation, hindi nalilinisan na gamit sa ospital dahil sa dami ng pasiente at ang laging pagsusuot ng face mask.

Gayunpaman, sinabi ni Eduarte na normal o karaniwan na ang naturang sakit sa India na kung saan 50% ang fatality rate o posibilidad na mamatay ang isang tao dahil sa naturang fungus.