BAGUIO CITY – Patuloy pa rin ang pagtrabaho ng karamihang OFWs sa bansang Panama ng Central America sa kabila ng kasalukuyang lockdown doon dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Jhun Ballao, domestic worker sa Costa del Este, Panama City, Panama, sinabi niyang ang mga Pinoy na office workers doon ang nawalan ng trabaho matapos magsara ang opisina ng mga ito.
Aniya, inaalagaan ng mga employers sa Panama ang kanilang mga domestic workers dahil sa takot na mahawaan ang mga ito ng COVID-19 kaya bago sila lumabas ay kailangang may dala silang alcogel at nakasuot ng facemask, gwantes at foot sack.
Nagsisilbi aniyang quarantine pass ng mga ito ang kanilang passports sa tuwing lalabas sila ng bahay ng kanilang employer para sa mahalagang transaksiyon.
Apela din nila na hindi pabayaan ng pamahalaan ng Pilipinas ang kanilang mga pamilya na nandito sa bansa dahil hindi sila nakakapagpadala ng remittances dahil sa 24-hour curfew sa Panama kung saan hindi aniya sapat ang 2-hour window period para makalabas sila sa trabaho.
Samantala, binahagi ni Ballao na kung may Bayanihan Act ang Pilipinas ay may Panama Solidario din doon kung saan mabigbigyan ng 80 US dollar voucher ang 1.35 million na pamilya sa Panama bilang tulong pinansial maliban pa sa grocery sack na pinapamahagi sa lahat ng bahay doon tuwing kinsenas.
Dinagdag niya na sa loob ng 28-araw ay naitayo ng pamahalaan doon ang Hospital Solidario na may kompletong kagamitan na kayang maka-asikaso ng 100 COVID patients.
Ayon pa kay Ballao, community service lamang ang multa ng mga mahuhuling lumalabag sa curfew hour doon.
Sa ngayon, aabot sa 4,700 ang kaso ng COVID sa Panama habang 136 ng mga nasawi.