-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Hindi pa man naipoproklama, sinimulan na umano ng incoming senator at dating Philippine National Police Chief Ronald “Bato” Dela Rosa ang pag-aaral sa paggawa ng batas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi ni Dela Rosa na una niyang pinag-aaralan ang mga panuntunan at pamamaraan sa Senado tulad ng proseso ng pagpasa ng batas.

Pinasalamatan din nito sina Sen. Manny Pacquiao at Sen. Ralph Recto sa ibinahaging tulong bilang paghahanda sa kanya sa oras na pormal na itong maupo bilang senador.

Base sa huling partial at unofficial tally ng mga boto para sa May 2019 midterm elections, nakalikom na si Dela Rosa ng mahigit 18 million votes at kasalukuyang nasa ika-limang puwesto.