-- Advertisements --
Negros Oriental
Negros Oriental

(Update) BACOLOD CITY – Inilagay na sa half-mast ang bandila sa Department of Education (DepEd) Division of Guihulngan City matapos ang brutal na pagpatay sa opisyal ng division office at kapatid na school principal madaling-araw ng Huwebes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa case investigator na si P/EMSgt. Jerome Delara, inamin nitong ang magkapatid na Arthur at Aradale Bayawa ang target ng hindi bababa sa anim na mga suspek na pumasok sa kanilang bahay sa Brgy. Hibaiyo dahil hindi naman nila binaril ang caretaker na natutulog sa ground floor.

Si Aradale Bayawa ay chief ng Curriculum Implementation Division ng DepEd Division of Guihulngan City; habang si Arthur Bayawa ay principal ng Guihulngan Science High School.

Ayon kay Delara, binaril ng mga suspek sa ulo ang magkapatid na natutulog sa second floor.

Narekober sa crime scene ang mga empty shells ng M14, M16 at .9mm caliber pistol.

Ayon sa imbestigador, maaaring personal o may kaugnayan sa trabaho ng magkapatid ang motibo sa krimen.

Hindi naman ninakaw ng mga suspek ang importanteng mga papeles na nakalagay sa SUV na nasa garahe ng mga Bayawa.

Samantala, tinitingnan naman ng mga pulis na maaaring may kinalaman sa trabaho ni Punong Barangay Romeo Alipan ng Barangay Buenavista ang pagpatay sa kanya.

Ayon kay Delara, natutulog si Alipan sa terasa nang inakyat ng mga suspek at pinagbabaril habang binabantayan ng ilang suspek ang kanyang misis at anak.

Binantayan din umano ng armed men ang katabing mga bahay upang hindi makatawag sa police station ang mga residente.

Sa ngayon, hindi pa masasabi ng mga pulis kung iisang grupo lang ang may kagagawan sa magkahiwalay shooting incident.