-- Advertisements --

May lead na sa ngayon ang mga tracker teams ng PNP na tumutugis sa Korean-American na nahulihan ng ecstasy kamakailan.

Una ng ipinakalat ng PNP ang tracker teams mula sa drug enforcement group matapos silang matakasan ng isang “big time” na nahuli sa iligal na droga.

Ayon kay PDEG spokesman, PSupt Enrico Rigor na may lead na sila sa mga lugar na posibleng pagtaguan ng suspek na si Jun No alyas Jazz.

Positibo si Rigor na hindi pa nakalalayo si No dahil hirap pa itong makalakad dahil sariwa pa ang sugat sa tiyan matapos operahan sa East Avenue Medical Center dahil sa appendicitis.

Kumpiyansa naman si PDEG Chief SSupt. Mijares na sa lalong madaling panahon ay mahuhuli nila si No at muling maibabalik sa kulungan.

Nabatid na isang operatiba ng PDEG at isang taga PDEA ang nagbabantay kay No sa ospital.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinamantala ng suspek ang pagkakataon nitong Sabado ng umaga nang nag almusal saglit ang bantay nitong taga PDEG habang nakatulog naman ang isa pa nitong bantay na taga PDEA.

Arestado naman ngayon ng mga otoridd ang isang Pinay na kasama ni No sa ospital na si Darlene Son para kasuhan sa pakikipagsabwatan sa pagtakas ng suspek.

Si No ay naaresto ng PDEG sa isang entrapment operation nitong nakalipas na April 5 sa parking area ng MOA sa Pasay City kung saan ito nakuhanan ng 140 tableta ng ecstasy.

Ikinulong ito sa PDEA subalit makalipas ang limang araw dinala ito sa East Avenue Medical Center dahil dumaing ng pananakit ng tiyan na napagalamang acute appendicitis kaya inoperahan.