(Update) LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Gubat Municipal Police Station sa Sorsogon ang pagkakarekober ng isang tracking device matapos na makuha ang bloke-blokeng cocaine sa karagatang sakop ng Barangay Bagacay.
Umabot sa 39 kilograms ang bigat ng mga cocaine bricks na kakabit ang market value na P218. 4 million, ayon sa Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory Office.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Major. Jim Jeremias, hepe ng Gubat PNP, nasa limang metro lamang ang layo ng naturang device sa mga karton kung saan natuklasan ang cocaine bricks.
Naniniwala si Jeremias na ginamit ito bilang gabay ng mga nasa likod ng shipment upang mabilis na ma-locate ang kinaroonan ng mga kontrabando.
Pagsasalarawan ng hepe, mistulang nakakabit ito sa satellite television kaya mabilis na mahanap at layon ang marine navigation.
Sa kabilang dako, tiniyak ng PNP ang paggawad ng pagkilala sa mga mangingisdang sina Melvin Gregorio, Loubert Ergina at John Mark Nabong, na nakakuha sa “floating cocaine.”
Nakikipag-ugnayan na rin ang hepe sa lokal na gobyerno para sa ibibigay na incentives.