-- Advertisements --

Nakahanda ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na tumulong sa gobiyerno ng Pilipinas para makapaglunsad ng ‘unified response’ para matulungan ang mga undocumented Pinoy sa US, kasabay ng tuluyang pag-upo ni US Pres. Donald Trump.

Ayon kay TUCP Vice President Luis Corral, handa ang grupong makipagtulungan sa Marcos administration para makapaglunsad ng maayos at agarang plano para sa transition ng mga US-based Pinoy.

Ito ay kapwa para sa mga nagnanais pang magpatuloy sa panananatili sa US para sundan ang kanilang American Dream, at maging sa mga naghahangad na ring bumalik sa Pilipinas.

Ayon pa kay Corral, halos kalahating milyong undocumented Pilipino ang nahaharap sa potensyal na banta ng mass deportation sa US at kailangang masubaybayan ang mga ito.

Kasabay nito ay inirerekomenda ng TUCP ang pagkakatatag ng isang inter-agency body para mapag-isa ang lahat ng pagsisikap ng bawat ahensiya ng pamahalaan at mga civil society organization.

Magiging mas madali aniya kung may susundan na unified response para matulungan ang lahat ng mga Pinoy sa US.

Sa naging mensahe ni Trump sa kaniyang inagurasyon, nagbabala ito sa unang araw pa lamang ng kaniyang administrasyon ay magsisimula na ang pag-aresto, pag-detine, at tuluyang pagpapa-deport sa mga undoccumented immigrants.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), tinatayang hanggang 370,000 undocumented Filipino immigrants ang kasalukuyang nasa US.