-- Advertisements --

Nagbabala si Defense Secretary Delfin Lorenzana na posibleng
humantong sa pandaigdigang digmaan ang “trade war” sa pagitan ng Estados Unidos at China.

Inihayag ito ng kalihim sa kanyang pagdalo sa IISS Shangri-La Dialogue: 18th Asia Security Summit, na isinagawa sa Singapore.

Ayon kay Lorenzana ang “geo-political rivalry” sa pagitan ng Estados unidos at China ay maiuugnay sa isyu sa South China Sea o West Philippine Sea.

Naniniwala ang kalihim na mahalaga magkaroon ng mas pinaigting na international cooperation sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon kundi ay magigising na lang ang mundo isang araw sa gitna ng pandaigdigang digmaan tulad ng nangyari noong World War 1.

Panawagan ng kalihim na paigtingin pa ng ASEAN countries ang mga “confidence building measures” at puspusang isulong ang mapayapang pagresolba sa pag-aagawan ng territoryo, para pangalagaan ang “regional peace and stability” sa Asia-Pacific region.

Binigyang-diin din nito na matibay ang paninindigan ng Pilipinas na resolbahin ang pinag-aagawang territoryo sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng “multilateral, mutually-beneficial, and inclusive Code of Conduct in the South China Sea,” sa pagitan ng ASEAN claimants at China.