Tradisyunal na New Year’s countdown sa Boracay, sinaksihan ng nasa 21-K na turista; 2.2 milyon tourist arrival sa isla naiambag sa 5 milyon na naitala ng DOT para sa taong 2023
KALIBO, Aklan—Nasa kabuuang 21,297 tourists ang nakibahagi sa taunang fireworks display at pinili ang isla ng Boracay na doon salubungin ang Bagong Taon.
Sa datos na ipinalabas ng Malay Tourism Office, ang nasabing bilang hay bumuo sa 179,200 tourist arrival sa Boracay sa buwan ng Disyembre 2023.
Kaugnay nito, ikinatuwa ni Malay Tourism Officer Felix Delos Santos na nalampasan nila ang targeted tourist arrival sa isla para sa taong 2023 na 1.8 milyon kung saan, umabot ito sa 2,210,419 milyon na nagpapakita ng pagbawi sa sektor ng turismo matapos ang nagdaang Covid-19 pandemic.
Ang naturang bilang ng mga turista ay nagmula sa South Korea, China, United States of America, Europe, Japan at Taiwan.
Dagdag pa ni Delos Santos na ang influx ng tourist arrival sa pagbungad ng taon ay inaasahan na magtuloy-tuloy upang lubusang makabawi ang mga negosyante nang sa gayon ay makapagbigay ng maraming trabaho sa mga nangangailangan.
Sa kasalukuyan aniya ay unti-unti nang lumuluwag ang mga hotels, resorts at iba pang establisyimento na naging fully booked ng mga nagdaang araw.