Muling nagsasagawa ng tradisyunal na ‘Pabasa’ ang ilang mga deboto sa Quiapo, Maynila, kasabay ng paggunit sa Semana Santa.
Ang pabasa ay isang Filipino Catholic devotion tuwing Semana kung saan kinakanta ng mga deboto ang ‘Pasyon’, isang tula na kinapapalooban ng buhay, paghihirap, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Hesu-Kristo.
Marami sa mga debotong nakikibahagi sa pabasa ay mga nakakatandang pamilyar na sa naturang kaugalian, habang marami rin ang mga bata-batang sumasama, hawak-hawak ang kopya nila ng Pasyon.
Kahapon(April 14) nang nagsimula ang Pabasa sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno sa Quiapo, bagay na dinarayo ng maraming mga deboto mula sa National Capital Region habang ang iba ay dumadayo pa.
Isinasabay rin ng mga ito ang Visita Iglesia o pagtutungo sa mga pangunahing simbahan upang manalangin at pagnilangay ang naging paghihirap at sakripisyo ni Hesu-Kristo.
Kalimitang tumatagal ng isa hanggang tatlong araw ang pabasa na malimit ding nagsisimula sa tuwing Lunes Santo.
Ang iba ay inaabot din ng Biyernes Santo kung saan kalimitan itong itinitigil tuwing alas-12 ng tanghali o alas-3 ng hapon.