-- Advertisements --

Aabanse na patungong Eastern Conference finals ang Atlanta Hawks matapos na ma-knockout nila sa Game 7 ang top seed na Philadelphia Sixers, 103-96.

Dahil dito haharapin ng Hawks ang nag-aantay na Milwaukee Bucks simula sa kanilang best-of-seven series sa Huwebes.

Trae young atlanta hawks
Photo from @ATLHawks

Ito ang ikalawang beses na papasok pa lamang sa Eastern finals ang Atlanta sa loob ng 50 taon.

Bago ito maraming observers ang nag-akala na hindi aabot sa ganito ang mas batang team na Hawks lalo na at kalaban nila ang Sixers na may dalawang bigating All-Star players na sina Joel Embiid na siyang MVP runner-up at si Ben Simmons.

Pero sa laro kanina hindi pa rin napigilan ng Sixers sa kanyang diskarte sa opensa si Trae Young na kahit noong una ay medyo inalat ang star point guard.

Gayunman sa pagtatapos ay nagbuhos si Young 21 points kasama na ang napakahalagang 3-pointer, liban pa sa 10 assists upang pahiyain ang Sixers sa harap ng kanilang mga fans.

Sa galit ng maraming fans pinagkakantiyawan nila ang kanilang team at ang iba naman ay nambato pa ng basura sa loob ng basketball court ng Philadelphia.

Nanguna sa puntos ng Hawks si Kevin Huerter na nagtapos sa 27 points, na siyang season-high para sa kanya.