Hinarang ng daan-daang raliyista ang ilang train services sa Hong Kong bilang parte ng kanilang bagong aksyon upang ipakita ang malawakan nilang pag-aalsa laban sa Hong Kong government.
Sinubukan ng mga nagpo-protesta na pigilan ang mga pasahero na makababa sa kani-kanilang istasyon na nagdudulot ngayon ng takot sa lahat.
Nagawa pa ng mga ito na magbanta na guguluhin din nila ang iba pang transport network ng lungsod.
Nagdulot naman ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng mga raliyista at pasahero matapos nilang harangin din ang Tiu Keng Leng at North Point MTR stations na nagbunsod sa desisyon ng Causeway Bay na pansamantalang suspendihin ang kanilang transportasyon.
Matindi rin ang traffic na dinaranas sa ilang kalsada ng Hong Kong. Mahaba ang naging pila ng mga bus gawa na rin sa mabagal na takbo ng mga sasakyan sa kalsada.
Base sa inisyal na report na nakalap ng Hong Kong authorities, patungo na rin ang mga nag-aalsa sa Admiralty at Kowloon Tong stations upang guluhin din ang transport system sa nasabing lugar.
Ayon pa sa mga ito, tinatayang nasa 25 nagpo-protesta ang humarang sa mga pintuan ng tren sa Admiralty station dakong 9:30 ng umaga.
Samantala, pinuri ng Beijing ang Hong Kong police forces dahil sa patuloy nitong ginagawang pagsugpo sa mga nagsasagawa ng kaguluhan sa kanilang lungsod.
Ito ay sa kabila ng mga ibinabatong alegasyon laban sa Hong Kong authorities na gumagamit umano sila ng dahas laban sa mga anti-government protesters.
Naiintindihan umano ng Chinese government ang pressure na kinakaharap ng mga otoridad at kanilang pamilya ngunit sa kabila nito ay nagbigay pugay sila sa katapangan na ipinapakita ng bawat isa upang matugunan lamang ang kanilang sinumpaang pangako sa Hong Kong.