-- Advertisements --
image 10

Inaresto ng mga awtoridad ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nangongolekta ng buwanang “payola” mula sa isang kompaniya kapalit ng ticket-free operation sa may pantalan sa Maynila.

Ayon kay MMDA chairperson Don Artes, nagresulta ang operasyon sa pagkakadakip ng 53 anyos na si Rey Gaza matapos magreklamo ang may-ari ng trucking company.

Base sa complaint, ang grupo ni Gaza ay nangongolekta umano ng payola money na nagkakahalaga ng P10,000 kada buwan simula pa noong taong 2019 upang hindi maabala at matiyak ang maayos na operasyon ng kanilang trucking at transport service business.

Nagbunsod ito sa ikinasang entrapment operation ng MMDA intelligence agents at Metro Manila police na nagresulta sa pagkaaresto kay Gaza matapos makatanggap ng P5,000 marked money.

Binigyang diin ni Artes na seryoso ang MMDA sa paglilinis sa mga tiwaling kawani sa kanilang hanay bilang bahagi ng pinaigting na cleansing program nito.

Kasalukuyang nakapiit si Gaza sa National Capital Region Police Office at humaharap sa mga kasong robbery extortion at paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.