Arestado ang isang isang team leader ng Manila Traffic and Parking Bureau dahil sa robbery extortion kasunod nang isinagawa operasyon ng PNP-Intelligence Group (IG) at Counter Intelligence Task Force (CITF).
Kinilala ang suspek na si Mark Bien Ureta y Perez.
Nahuli ang suspek sa akto nang pagtanggap ng marked money na P6,000 mula sa complainant, sa isang entrapment operation na inilunsad sa Natividad Lopez St., sa harap ng city hall ng Maynila bandang alas-6:00 kagabi.
Batay sa sumbong ng complainant na si Ronald Guazon, isang vegetable dealer, residente ng Brgy. Palestina, San Jose City, Nueva Ecija, hiningan umano siya ng suspek ng P6,000 bilang protection money para hindi hulihin tuwing nagdadala ng produkto sa Maynila.
Bukod sa marked money, narekober din sa suspek ang P300,000 na personal nitong pera.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CITF at inaalam pa kung bakit may dala itong ganoong kalaking halaga ng pera.