CAUAYAN CITY – Nagtutulungan ang Highway Patrol Group (HPG) sa Nueva Vizcaya at Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) para sa agarang pagkakatunton ng trailer truck na naglalaman ng 750 sako ng mais na tinangay ng mga suspek sa San Jose City, Nueva Ecija.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Maj. Edwin Gaffud hepe ng HPG sa Nueva Vizcaya na unang ipinabatid sa kanilang tanggapan ng negosyanteng si Cosme Dela Cruz ng Cajel, Diffun, Quirino na ang kanyang truck na may plakang RFL 569 ay na-hijack ng hindi pa nakilalang suspek.
Aniya, sinamantala ng mga kawatan ang pagkakataong nagpapahinga ang driver at mga pahinante na tinutukan ng baril at itinali ang kanilang mga kamay at paa saka piniringan ang mga mata.
Binalot sila gamit ang mga kumot ang mga biktimasaka inihulog sa bahagi ng Tarlac.
Masuwerte namang may tumulong sa mga biktima at humingi sila ng tulong sa mga otoridad.
Ang trailer truck ay patungo sana sa Bulacan upang ibenta ang 750 sako ng mais na nagkakahalaga ng mahigit P600,000.