Hindi na umano nasorpresa ang Team Pacquiao kung maagang idineklara ni Sen. Manny Pacquiao na ngayon pa lamang ay ready na siya makipagbasagan ng mukha kay Keith Thurman.
Ayon kay conditioning coach Justin Fortune, ang pagiging agresibo umano ni Pacman sa training ay magandang senyales sa maayos na pagpapakondisyon ng fighting senator.
Una nang sinabi ni Manny na bagamat sa Hulyo 21 pa ang kanilang pagtutuos ng undefeated American champion, mahigit isang buwan naman ang kanyang natapos na sa dibdibang training.
Para kay Fortune, simula ngayon ay mas magiging madali na para sa kanila ang mga ensayo ng eight division world champion dahil kailangan na lamang mamantine na lagi itong nasa tip top condition.
Mas tututukan na rin daw nila na hindi magkasakit si Pacman o kaya ay ma-overtrain.
Kaya naman nitong nakalipas na araw sa pambihirang pagkakataon ay pinag-day off muna nila sa ensayo si Pacquiao sa Wild Card Boxing Club ni Hall of Famer trainer Freddie Roach.