Isasabak na rin sa pagpapatrolya sa West Philippines Sea at Benham Rise ang dalawang nirentahang segunda manong training aircraft ng Philippine Navy.
Ito ang kinumpirma ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año.
Kasunod ito nang pormal na pagtanggap ng Philippine Navy ng mga bagong dating na Beechcraft TC-90 training aircraft mula kay Japan State Minister and Defense Kenji Wakamiya.
Ayon kay Año, maliban sa West Philippine Sea at Benham Rise, gagamitin din daw nila sa iba pang panig ng bansa ang dalawang aircraft depende aniya kung saan ito kailangan.
Pero sa ngayon wala pang direktiba sa AFP kung dapat na bang i-deploy ang dalawang bagong aircraft ng bansa.
Sa ngayon tanging ang BRP Ramon Alcaraz pa lamang ang nagpapatrolya sa Benham Rise maliban sa regular na pagpapatrolya nila sa karagatang sakop ng Northern Luzon.
Ginawa ng AFP ang pagpapatrolya sa Benham Rise matapos na mamataan ang survey ship ng China sa lugar.
Ang delivery ng aircraft ay unang napirmahan noong dating administrasyon ng Pangulong Benigno Aquino III.
Kabilang sa pinsukang kontrata sa Japan Maritime Self-Defense Force (JMSDF) ay pilot training at aircraft maintenance support.
Sinasabing ang TC-90s ay hindi lalagyan ng mg armas kundi sa halip ay basic surveillance systems lamang.