May malaking tulong ang ginawang training camp ng Gilas Pilipinas sa Europa bilang paghahanda sa FIBA Basketball World Cup sa buwan ng Agosto.
Sinabi ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes, na ang mga nakalaro nila sa mga friendly games sa training camp ay kahalintulad sa mga koponan na makakaharap nila sa nasabing torneo.
Inihalimbawa nito ang ilang koponan na kanilang nakaharap ay kaparehas rin ng mga laro sa kanilang ka-bracket na Dominican Republic at Angola.
Nasa Group A kasi ang Gilas Pilipinas sa World Cup kasama ang Angola, Dominican Republic at Italy.
Nakita rin aniya ng mga Gilas Players ang bilis ng mga dayuhan na manlalaro na maari na rin nilang makasabay pagdating ng nasabing torneo.
Unang makakaharap ng Gilas sa World Cup ang Dominican Republic sa Agosto 25 sa Philippine Arena na susundan ng Angola sa Agosto 27 sa Araneta Coliseum at Italy naman sa Agosto 29 sa Big Dome.