-- Advertisements --

Magandang pagkakataon umano para kay Andray Blatche ang training camp ng Gilas Pilipinas sa Spain upang pagbutihin pa lalo ang kanyang kondisyon bago ang FIBA World Cup.

Sinabi ni Blatche na inaasahan niyang gaganda pa nang husto ang kanyang kondisyon sa oras na matapos na ang kanilang 10 araw na ensayo sa mga siyudad ng Guadalajara at Malaga kung saan sasalang sila sa ilang mga tune-up games at lalahok sa isang pocket tournament.

Haharapin ng Gilas sa kanilang back-to-back exhibition matches ang mga koponan ng Congo at Ivory Coast.

Hahamunin muna ngayong Martes ng Pinoy cagers ang Congo na papangunahan ng dating Cleveland Cavaliers draftee na si Christian Eyenga.

Ang African powerhouse naman na Ivory Coast ang isusunod ng Gilas kinabukasan.

Partikular na tututukan ni Blatche ang pagpapakondisyon at ang pakikihalubilo sa kanyang mga teammates.

“Me personally, I’ll work on my conditioning,” wika ng 6-foot-11 naturalized big man. “And this trip to Spain is a great preparation for us so we can come together and gel as one.”

Matapos ang tune-up games, tutungo sa Malaga ang Gilas para sa mini pocket tournament tampok ang powerhouse Spain.

Babalik sa bansa ang Gilas sa Agosto 13 para sa huling phase ng kanilang pagsasanay para sa World Cup sa China.