Kinandado muna ng Portland Trail Blazers ang kanilang training facility matapos lumabas ang tatlong positibong kaso ng COVID-19 sa kanilang organisasyon sa loob lamang ng apat na araw.
Ito ay kasunod sana ng pagbubukas ng training camp ng Blazers ngayong Lunes (Manila time).
Hindi naman sinabi ng koponan kung ano ang pagkakakilanlan ng mga kinapitan ng coronavirus sa kanilang hanay.
Sa isang pahayag, sinabi ni Blazers president Neil Olshey na ang pasyang isara muna ang kanilang pasilidad ay ginawa dulot ng pag-iingat.
Nakumpleto na rin aniya ng Portland ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga indibidwal na nagpositibo.
“Out of an abundance of caution, having completed contact tracing, we are closing our practice facility today for deep cleaning while we run confirmatory tests,” saad ni Olshey.
Nitong nakalipas na linggo, inilabas ng NBA at ng National Basketball Players Association ang mga resulta ng unang round ng mass testing ng liga para sa 2020-21 season.
Sumalang sa COVID-19 testing ang 546 players mula Nobyembre 24 hanggang 30.
Sa naturang sample, 48 players ang nagpositibo sa deadly virus.