Inamin ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) na malaki ang epekto ng paglaganap ng 2019-novel Corona Virus (nCoV) Acute Respiratory Disease (ARD) sa pagsasanay ng national team para sa 2020 Tokyo Olympics.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni SWP President Monico Puentevella na nahirapan silang maghanap ng magiging venue para sa training camp ng mga weightlifters.
Sa China at sa Taiwan kasi dapat magsasanay ang mga atleta, ngunit hindi na nila tinuloy dahil sa nCov outbreak.
Kaya naman, ayon kay Puentevella, sa Malaysia na lamang magsasanay ang kanilang Olympic hopeful na si Hidilyn Diaz.
Habang ang nalalabing mga miyembro ng team kasama ang isa pang top prospect na si Kristel Macrohon ay dito na lamang sa Pilipinas magsasanay, partikular sa Rizal Memorial Sports Complex sa lungsod ng Maynila.
Isang Olympic qualifier na lamang ang lalahukan ng mga Pinoy weightlifters na gaganapin sa Kazakhstan sa darating na Abril.