-- Advertisements --

Tuloy-tuloy at puspusan pa rin ang pagsasanay sa Italy ng Pinoy pole vaulter na si EJ Obiena para sa 2020 Tokyo Olympics.

Ito’y kahit na lumalala ang sitwasyon sa Italy bunsod ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Philippine Athletics Track and Field Association president Philip Ella Juico, milya-milya ang layo ng lokasyon ni Obiena sa hilagang bahagi ng Italy na napuruhan ng virus.

Patuloy naman aniya ang kanilang paalala kay Obiena na magdoble-ingat upang masiguro ang kanyang kaligtasan.

“He’s still training in Formia, Italy but stays outside the training center,” wika ni Juico.

Si Obiena ay isa sa mga Pilipinong atleta na kuwalipikado na sa Summer Games, kasama sina gymnast Carlos Yulo, at boxers Eumir Marcial at Irish Magno.

“He’s with his coach. They know the rules and should be following them: Soap hands and social distancing,” ani Juico. “His training continues.”