Iniimbestigahan na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang nangyaring pagbagsak ng isang training plane sa Comillas, Tarlac.
Sa inisyal na pagsisiyasat, nagkaroon umano ng engine failure ang light aircraft bago bumulusok.
Nakaligtas naman sa pangyayari ang pilotong si Capt. Irineo Manguba at ang pasaherong Indian na nakilala sa pangalang Jeny Jerome.
Sa kasalukuyan ay nasa ospital ang dalawa at nilalapatan ng lunas.
Lumalabas na alas-7:29 ng umaga nang lumipad mula sa Clark ang Cessna 172 aircraft na pag-aari ng Alpha Aviation.
Pero pagsapit ng alas-9:44 ng umaga ay nagkaaberya na ang engine nito kaya humiling ng clearance para sa emergency landing ang piloto.
Gayunman, nawalan na ito ng komunikasyon sa control tower at nakatawag muli ang mga sakay ng light aircraft pagkatapos na sila ay ma-rescue sa lalawigan ng Tarlac.