-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Sinuspinde na ang lahat ng mga training activities ng Philippine National Police (PNP) na isinasagawa dito sa Baguio City, partikular sa mga campus ng Cordillera Administrative Region Training Center (CARTC).

Kasunod ito ng pag-apruba ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa hiling ni Mayor Benjamin Magalong na pagsuspindi sa mga nasabing pagsasanay dahil sa ikalawang outbreak ng COVID-19 sa isang campus ng CARTC kung saan nagpositibo sa coronavirus ang 26 na mga police officers na sumasailalim sa Officer Candidates Course Training.

Sinabi ni Mayor Magalong na nagkaroon ng outbreak dahil sa nadiskobreng hindi pagsunod ng mga trainees sa mga minimum public health standards habang indifinite ang nasabing suspension ng mga pagsasanay ng PNP dito sa Baguio City.

Sa ngayon, naka-quarantine na sa isang campus ng CARTC ang mga pulis na nagpositibo sa COVID-19.

Sinabi naman ng pamunuan ng CARTC na matutuloy ang pagsasanay ng mga police officers sa pamamagitan ng virtual o kaya ay blended mode para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng virus.

Iginiit pa nila na sumusunod sila sa mga health protocols bagaman hindi maiiwasan ang posibleng transmission ng virus sa mga physical classes ng mga trainees dahil exposed ang mga ito sa labas kasabay ng kanilang pagtupad sa kanilang mga normal duties bilang bahagi ng PNP.

Una rito, noong nakaraang buwan ay nagpositibo din sa COVID-19 ang 104 na mga regular police officers na sumasailalim din ng leadership training sa CARTC.