-- Advertisements --

ROXAS CITY – Arestado ang tatlong mga indibidwal sa isinagawang entrapment operation ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Capiz sa Capricho II, Barangay Tanque, Roxas City.

Kinilala ang mga naaresto na sina Nathaniel Alvarez, 34, isang medical representative at residente ng Barangay Cagay, lungsod ng Roxas; at mga kasamahan nitong sina Jason Once, 22; at Nestor Once, 34, pawang mga residente ng bayan ng Maayon, Capiz.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay CIDG-Capiz Head PMaj. Chris Arthemius Devaras, sinabi nito na nakipagtransaksyon ang kanilang miyembro sa mga suspek na ibinebenta umano ang alcohol sa mas mataas na presyo.

Narekober na karga ng naturang trak ang 20 galloons at 50 liters ng alcohol na umaabot umano sa P200,000 ang presyo ng mga suspek na halos doble sa tamang presyo nito kung pagbabasehan ang suggested retail price (SRP) ng Department of Trade and Industry.

Ayon kay Devaras, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 7581 o Price Act.

Sinabi naman ni Juvy Benliro, head ng Consumer Protection Unit sa DTI-Capiz, kailangan munang suriin ang nakumpiskang mga alcohol at sa oras na mapatunayang lehitimo ang mga ito ay posibleng ipamamahagi na lamang ito sa mga frontliners ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic sa lalawigan.