KALIBO, Aklan — Tatlong katao ang sugatan matapos na mahulog ang sinasakyan nilang elf truck sa kanal sa national highway na sakop ng Brgy. Tibiao, Altavas, Aklan.
Ayon sa driver ng elf truck na si Diobert Ditoon, 35, residente ng Capagao, Panitan, Capiz, maulan nang sila ay bumiyahe at pagdating sa pababang kalsada ay agad itong nag-preno dahil sa madulas na daan subalit mistulang nag-zigzag ang takbo ng kanilang sasakyan hanggang sa nahulog ito sa kanal.
Kasama sa nagtamo ng pinsala sa katawan ang dalawang pahinante na sina Willy Gabales Jr., 29, ng Tigbauan, Iloilo at Edelben Jhon Consancio, 31, ng Leon, Iloilo na agad na isinugod sa ospital.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa Iloilo ang truck at magde-deliver sana ng mga kargang softdrinks sa Aklan.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa naiaalis sa kanal ang nahulog na truck.