Naipadala na umano sa International Criminal Court (ICC) ang transcript ng pagdinig sa Senado noong Lunes, Oktubre 28 kung saan umamin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa extrajudicial killings (EJK) sa war on drugs.
Ito ang ibinunyag ng hayagang kritiko ni Duterte na si dating Senator Antonio Trillanes IV sa kaniyang X account ngayong araw ng Miyerkules.
Ayon kay Trillanes, nauna na ring ipinadala sa ICC ang transcripts ng imbestigasyon ng House Quad Committee at lahat aniya ay tinanggap.
Sinabi din ni Trillanes na lahat ng mga ito ay magagamit kalaunan sa trial o paglilitis.
Una rito, sa naging pagdinig sa Senado, inamin ng dating Pangulo na mayroong death squad na sinasabing responsable sa pagpatay sa mga drug suspect noong Mayor siya ng Davao city. Kinumbinsi din umano niya ang ilang mga police official na patayin ang ilang indibidwal na pawang mga kriminal subalit hindi naman umano kinagat ng mga ito ang kaniyang utos. Maliban dito, inamin din ni Duterte na ipinag-utos niyang “i-encourage” ang mga drug suspect na manlaban para kapag nanlaban ang mga ito ay papatayin sila.
Samantala, nauna namang sinabi ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero na wala pang natanggap ang Senado na anumang pormal na komunikasyon mula sa ICC kaugnay sa imbestigasyon sa war on drugs.