-- Advertisements --

Walang nakikitang rason si Senate President Francis “Chiz” Escudero para hindi pagbigyan ang anumang request ukol sa transcript ng naging pagdinig ukol sa war on drugs sa Senado.

Matatandaang personal na humarap sa hearing noong nakaraang linggo si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Escudero, pinanumpaan naman ng dating presidente ang kaniyang testimonya kaya alam nito ang mga kaakibat na pananagutan para sa anumang nasabi sa hearing.

Hindi rin umano maaaring ipakahulugan na ang ibang parte ng salaysay ng dating pangulo ay biro o sarcasm, dahil isang pormal na pagdinig naman ang dinaluhan ng dating opisyal.

Nagtataka rin si Senate President Escudero na ang mga kaalyado ni Duterte ang nagsasabing biro ang isang parte ng testimonya, habang seryoso naman ang iba.

Aniya, sa transcript ng hearing ay aalisin ang mga tawanan, ngiti ng resource person at iba pa,, kaya ang matitira dito ay tanging ang pinanumpaang salaysay.

Naniniwala si Escudero na walang dahilan para pigilan nila ang International Criminal Court (ICC) o iba pang organisasyon para sa pagkalap ng salaysay sa nasabing pagdinig.

Nang idinaos din aniya ang hearing ay naka-live ito sa local media kaya hindi na mababago ang nilalaman ng naging takbo ng Senate blue ribbon sub-committee hearing.