KALIBO, Aklan – Naniniwala ang pamilya ng isang transgender na si alias Joefel na may foul play sa kanyang pagkamatay habang nakabakasyon sa Isla ng Boracay.
Natagpuan ang biktima na wala nang buhay sa loob ng kanilang tinutuluyang apartelle.
Hindi naniniwala ang kanyang pamilya na namatay ito dahil sa COVID-19.
Duda umano sila sa bakas ng dugo na nakita sa kumot sa gilid ng bangkay.
Mula Caloocan City ang biktima at uuwi sana sa kanyang pamilya sa Mambusao, Capiz, nang mag-side-trip kasama ang nobyo at iba pang kaibigan na pawang miyembro ng LGBT community sa Boracay.
Nagawa pa umano nitong mag-video call sa kanyang kapatid pasado alas-11 ng gabi noong Enero 3 at nakapadala pa ng mga pictures at videos habang masayang nagpa-party sa isla.
Kinaumagahan, Enero 4 natagpuan itong wala nang buhay.
Naniniwala aniya ang nobyo nito na ito ay na-cardiac arrest.
Balak ng pamilya na isailalim ang bangkay sa autopsy upang matukoy ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sa kabilang daku, isinailalim na sa RT-PCR test ang mga nakasalamuha ng biktima.