-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Sa mithiing maihatid ang tama at sariwang impormasyon hinggil sa mga kaganapan sa lalawigan ng Cotabato, isinagawa ng Provincial Government ang isang pagpupulong na dinaluhan ng lahat ng anchors at content writers ng dalawang official radio program nito: Ang “Puso ng Serbisyong Totoo” at ang “Cotabato Atin ‘To” .

Tinalakay dito ang lahat ng detalye para sa matagumpay na pagbabalik ng pagpapahimpapawid ng mga balita at usapin tulad ng program goals, radio program flow, news content or topics at schedule of assignments ng nabanggit na programa.

Kasabay nito, isinagawa din ang oryentasyon para sa lahat ng partisipante kung saan inilahad ang mga makabagong hakbang na gagawin nito upang mas mapaabot ang tama at napapanahon na mga impormasyon sa mga tagapakinig.

Ipinaabot nina PGO-Technical Assistant for Media Affairs Alexander C. Angeles at PGO-Information Development and Communcation Division Chief Mariessa D. Dalumpines ang suporta at tulong teknikal mula sa tanggapan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa lahat ng anchors at writers na itinuturing na “partners” ng kasalukuyang administrasyon sa pagsulong ng information campaign sa ilalim ng adbokasiyang Serbisyong Totoo.

Kabilang sa mga partisipante ng nasabing aktibidad ay ang ilang Provincial Advisory Council (PAC) Members, Puso ng Serbisyong Totoo anchors at content writers.

Ang radio broadcasting program ay bahagi ng adbokasiya na isinusulong ni Gov. Taliño-Mendoza, maliban sa paggamit ng mga social media platforms upang lalong patatagin ang information dissemination program hinggil sa transaksyon, operasyon at mga serbisyong hatid ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ng Media Affairs at Information Division ng Provincial Governor’s Office.