-- Advertisements --

Naglabas ng kanilang hinaing ang isang koalisyon ng transportasyon sa nararanasan ng mga kasamahan nito hinggil sa kasalukuyang proseso ng pag-aapply sa iba’t-ibang kumpanya ng mga Transport Network Companies. 

Inirereklamo kasi ng United Transportation Coalition Philippines ang problemang kinakaharap ng karamihan dahil umano sa hindi magandang sistema kung saan nga ba talaga pupunta ang aplikante para lamang matanggap.

Dahil dito, kinuwestiyon ng pinuno ng naturang koalisyon na si Gerric Asuncion ang pamamalakad ng mga Transport Network Companies sapagkat aniya, lagi na lamang walang bakante o laging nauubos ang slots sa opening ng mga ito. 

Kaya naman panawagan ng kanilang samahan, ibalik ng muli sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pangangasiwa sa slot openings ng mga Transport Network Companies.

‘For fairness, dun na tayo, balik na natin sa LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board), hindi namin alam. Pupunta kami sa isang TNC (Transport Network Company), wala po sarado po,’ pahayag ni Gerric Asuncion, lider ng United Transportation Coalition Philippines (UTCP).

‘Pero nasa balita naglabas ang LTFRB, we are open for how many slots, 5,000, 10,000 slots, pero nasan yung mga slot na yon,’ dagdag pa ni Gerric Asuncion, lider ng (UTCP).

Dagdag pa niya, problema din kasi ang hindi umanong tugma na bilang sa dami ng bakanteng slots na ipinamamahagi sa mga kumpanyang nag-ooperate na tumatanggap ng mga pasaherong pagsesrbisyuhan.

‘Ngayon ito ang problema, sa dami ng TNC, napakaliit ng slots para dun sa mga TNC na talagang nag-ooperate. Iilan lang dyan sa mga TNC accredited na yan ang talagang may operation,’ ayon kay Gerric Asuncion, lider ng United Transportation Coalition Philippines (UTCP).

Samantala, itinanggi naman ng naturang koalisyon ang pakikipag-usap sa mga kumpanyang ito at ibinahaging idiniretso na lamang nila sa isinumiteng petisyon dahil daw sa ito umano ang mas akmang forum upang talakayin ang mga ganitong bagay.