Tuluyan ng nawalan ng kabuhayan ang aabot sa 200,000 na tsuper at operatorn sa bansa, ayon ‘yan sa datos ng progresibong grupong Anakbayan.
Dahil dito, nagpaalala ang grupo na mas mahihirapan ang mga komyuter at maaari umanong magkaroon ng transport crisis.
Ito ay matapos hindi pakinggan ng gobyerno ang panawagan ng ilang grupo na itigil ang pag-phaseout sa mga tradisyunal na jeepney at huwag silang isailalim sa kooperatiba.
Mga bagay na tinatanggihan ng grupong PISTON at Manibela kaya magpahanggang ngayon ay hindi sila nakikipag-consolidate sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Ayon sa PISTON, sila ay magkakasa pa ng mas malawak na kampanya laban sa modernization program.
Sa isang panayam, sinabi ni Rodolfo Molina, driver at operator sa Pasig City, na poot at galit ang nararamdaman niya sa gobyerno dahil sa ginawa ni Pangulong Bongbong Marcos na pagpatay sa kabuhayan ng libo-libong driver at operator.
Sa kabila ng deadline ng consolidation, patuloy pa ring bumibiyahe ang ilang mga jeepney driver para umano ipaglaban ang kanilang kabuhayan.
Nauna ng sinabi ng LTFRB na tiwala silang hindi magkakaroon ng transport crisis dahil may iba pa naman daw paraan ng transportasyon sa bansa at marami na ring driver at operator ang nakapag-consolidate sa kanila.